Imay the Beloved Princess



Hihingi Ka Rin Ng Tawad

Alam nyo, may inilathala ako sa friendster bulletin board last October 26. Ito yung oras na malungkot ako at gusto kong ipaabot sa isang tao ang nararamdaman ko. Syempre, hindi directly ang pagkasulat ko. Sus, alam nyo naman ako di’ba, idinadaan ko na lang sa figures ang gusto kong sabihin. Madalas man akong ma-misunderstand, eh hinahayaan ko na lang. Basta ako, nasabi ko na ang gusto kong sabihin at tunay nga na nakakatulong sa akin ang ganung style. Ewan ko ba, masaya lang ako kapag nagsusulat ako. Lalo na kapag malungkot ako, idinadaan ko na lang sa blog. By the way, may nabasa kasi akong post na feeling ko may kinalaman sa akin ang message. At may kinalaman yun sa post ko dun sa bulletin board. Kaya gusto ko lang i-interpret yung ginawa ko. Ayoko nang mag-leave ng questions. (Pero ayos lng kung marami pa ring tanong..wooh! Maganda rin palang maging magulo minsan! hehehe…) Hindi ko alam kung nababasa ng taong iyon ang blog ko na ito, dahil hindi ko alam kung may pakialam sya dito. Ayos lang… Heto yung message, i-pe-paste ko dito.

Luluhod ka rin, Tala sa Silangan
Darating ang araw na ikaw, ikaw na isang talang napakalayo sa akin, ay luluhod at hihingi ng tawad dahil sa pagpili mong saktan at talikuran ako–ako na pinakamagandang bituin sa langit. Hindi ko sinusumpa ang kinang mo ngunit, gusto ko lang sabihin na wala ka nang ibang makikitang bituin, na tulad ko, na tunay na magmamahal sa iyo na kagaya ng buwan. Sinlaki man ng araw ang kasalanan mo sa akin, ang pagmamahal ko naman sa iyo ay sinlawak ng kalawakan.

Alam ko nahihirapan kang intindihin ito, kasi ayaw mo talaga itong intindihin. Ikaw ay isang tala sa silangan, at ako naman ay nasa kanluran. Hindi tayo magkaabutan. Gayun pa man, masaya na ako na nakikita kita kahit na sa malayuan. Pinilit kitang abutin ngunit hindi kita maabot sapagkat ikaw ay tila lumalayo sa akin; nagtatago sa malungkot at madilim na kalangitan. Ako ay umaasa na darating ang araw na maiiintindihan mo rin ang lahat ng ito. At ang araw na iyon ay malapit na. Kung hindi man dumating ang araw na ‘yon, o kung mahuli man ang lahat, alam kong may dahilan kung bakit nangyari iyon.

Salamat sa kahit konti mong pag-intindi. Mahal na mahal kita, tala, simula pa nung ikaw ay isilang ng diwata ng mga bituin. Ako ngayon ay humihikbi at nalulungkot dahil hindi mo makita ang pagmamahal na nais kong ipaabot sa iyo, bagkus, ikaw ay nabubulag ng iyong kawalan ng pananalig sa lumikha sa atin. Ikaw ay nabubulag sa poot na idinulot ko sa’yo. Ako ay tunay na nalulungkot. :(

Pag dumating ang araw na mapagtantuan mo na ikaw ay gusto nang lumuhod sa akin, sabihin mo lang, hindi ko na hahayaang humalik pa ang iyong mga tuhod sa lupa.
Labis na nalulungkot ngunit patuloy na sa iyo’y nagmamahal,
Bituin/Tala sa Kanluran
Message Translation:
Hihingi ka rin ng Tawad
Darating ang araw na ikaw, ikaw na aking kasalungat sa lahat ng bagay, ay hihingi ng tawad dahil sa pagpapasakit at pagtalikod na idinulot mo sa akin. Hindi ako galit sa iyo, ngunit gusto ko lang sabihin na wala akong katulad at ang pagmamahal ko sa iyo ay singtunay ng buwan. Marami ka mang kasalanan sa akin pero lahat ng iyon ay natabunan na ng pagmamahal ko para sa iyo.
Alam kong mahirap intindihin ito, kasi ayaw mo talagang intindihin. Iba ka sa akin at tayo ay tunay na magkasalungat. Madalas hindi tayo nagkakaintindihan at nagkakasundo. Pinilit kitang intindihin ngunit hindi kita maabot dahil ikaw ay patuloy na lumalayo sa akin; ginagawang malungkot ang iyong buhay. Umaasa ako na darating ang araw na maiintindihan mo rin ako at malapit na iyon. Ngunit kung magkahiwalay man tayo at hindi mangyari iyon, alam kong may magandang dahilan ang lahat.
Salamat kasi kahit konti, alam kong pinipilit mo itong intindihin. Mahal na mahal kita, simula nung tayo ay nagkakilala. Naiiyak at nalulungkot lang ako kasi hindi mo makita ang pagmamahal ko sa’yo. Wala kang tiwala sa Diyos at alam kong may galit ka pa sa akin. Nalulungkot talaga ako. :(
Kapag dumating ang araw na gusto mo nang humingi ng tawad sa akin, sabihin mo lang, napatawad na kita kaagad.
Malungkot at Mahal ka,
Imary
Alam nyo, lagi kong hinihintay ang araw na humingi ng tawad sa akin ang taong iyon. May mga sandali rin naman na nag-sorry sya sa akin at inaccept ko yun. Pero yung apology na iyon ay hindi sa personal. Naalala ko yung kaibigan kong si Misty, nagkaroon kami ng away nung second year high school kami sa akin. Unang naging malapit ang loob ko sa kanya, pero may nangyari kaya nagkalayuan kami ng loob. Hanggang nung fourth year na kami, bigla syang lumapit sa akin, umiyak at nag-sorry sa akin. Sobrang nag-iyakan kami nun. Simula nun ay super close na kami hanggang ngayon. Sana magawa ko rin yun sa kanya at magawa nya rin yun sa akin. Masaya na ako kapag dumating ang araw na mahahagkan ko sya at masasabi ko talagang sorry. At kapag sya rin, kahit isang beses lang, ay out of the blue, mag-sorry sa akin. Haaayy…




Leave a Comment

(required)

(required)



Formatting your comment
Back to Top | Textarea: Larger | Smaller